Mga Boluntaryo at Bisita
Lahat ng bisita sa paaralan, kasama na ang mga magulang, ay kailangang magpatala sa punong tanggapan (main office) at makatanggap ng awtorisasyon para sa pamamalagi sa paaralan. Posibleng hilingin ng kawani ng paaralan na ipakita ng mga bisita ang kanilang pases.
Ang principal ng paaralan ang may awtoridad na pigilan ang asal o gawain na posibleng makaapekto sa kaligtasan ng estudyante, makagambala sa pagtuturo, o kung hindi man, ay makasagabal sa mga normal na gawain ng paaralan. Ipatutupad ang mga sumusunod na restriksiyon para maiwasan ang paggambala at pag-aalala sa kaligtasan sa paaralan. Gayon pa man, hindi komprehensibo ang listahang ito at posibleng gumawa ang principal ng mga karagdagang restriksiyon.
- Kailangang gumawa ng paunang plano ang mga bisita para makipagkita sa mga kawani ng paaralan, at nang maiwasan ang sagabal sa oras ng pagtuturo at sa mga responsibilidad sa trabaho. Itinatakda ng Kontrata ng mga Guro ng UESF Seksiyon 14.2.5 ang 24-oras na paunang abiso bago ang pag-oobserba sa klasrum , maliban na lamang kung napagkasunduan na ng dalawang partido.
- Kailangang limitado sa 30 minuto ang mga obserbasyon sa paaralan at klasrum para maiwasan ang abala (kasama na ang mga obserbasyon ng mga magulang at assessor o tagatasa na inimbita ng magulang), maliban na lamang kung nakagawa na ng alternatibong plano, o kung ginagawa ang obserbasyon ng assessor alinsunod sa Kodigo sa Edukasyon ng CA 56329 (b). andaan na kailangang samahan sa obserbasyon ng kawani ng paaralan ang lahat ng hindi magulang na nag-oobserba at kailangang nakaplano ito nang maaga.
- Ang mga estudyanteng bumibisita mula sa ibang paaralan ay kailangang may paunang awtorisasyon mula sa principal ng kanilang sariling paaralan, pati na rin ng principal ng binibisitang paaralan, bago sila pumasok sa paaralan sa panahon ng pagkaklase.
- Hindi pinahihintulutan ang mga aso o iba pang alagang hayop sa kampus. Hindi sakop ng restriksiyong ito ang mga hayop na tumutulong sa may kapansanan (service animals).
Posibleng tanggihan o bawiin ng administrador/principal ang akses sa paaralan kung sadyang ginagambala ng bisita ang maayos na operasyon ng paaralan; gumagawa ng aksiyon na malamang na makasasagabal sa mapayapang pagpapatakbo ng mga gawain ng paaralan; o makatwirang maiisip na pumasok sa paaralan na may layuning gumawa ng gayong aksiyon. (Kodigo Penal ng CA 626.4, 626.7)
Walang elektronikong kagamitan para sa pakikinig o pagrerekord ang puwedeng gamitin sa klasrum nang walang paunang pahintulot ng guro at ng principal ng paaralan, na ibinibigay lamang para itaguyod ang layuning pang-edukasyon. Sakop ang lahat sa prohibisyong ito, pati na ang mga estudyante. (Kodigo sa Edukasyon ng CA 51512)
Lahat ng kawani o boluntaryo na magkakaroon ng mahigit sa limitadong kontak sa mga estudyante ng SFUSD ay kinakailangan munang makapasa sa pagsisiyasat sa nakaraang paglabag sa batas (criminal background check) at sa eksamen para malaman kung may tuberkolosis. Binibigyang-kahulugan ng SFUSD ang “mahigit sa limitadong kontak” nang ganito: may oportunidad ang boluntaryo na mapag-isa kasama ang estudyante o pangkat ng mga estudyante sa anumang panahon (nang walang superbisyon ng mga kawani ng paaralan) at/o may oportunidad ang indibidwal na magkaroon ng relasyon kung saan mayroong pagtitiwala sa pagitan niya at ng estudyante o ng pangkat ng mga estudyante.
Itinatakda ng Polisiya ng Lupon ng Edukasyon (Board of Education) 1240 na hindi na kailangang magpa-fingerprint ang mga magulang kung magboboluntaryo sila sa paaralan ng sariling anak.
This page was last updated on October 28, 2022