Ipinag-uutos na Pag-uulat sa Mga Serbisyong Nagbibigay-Proteksiyon sa mga Bata (Child Protective Services) ng Administrador ng Paaralan o ng Itinalaga Nito
Ang mga kawani ng paaralan ang inaatasan ng batas na tagabigay ng ulat, at dahil dito, itinatakda sa kanilang mag-file ng ulat sa Mga Serbisyo para sa Pagbibigay-Proteksiyon sa mga Bata (CPS) kung mayroon silang kaalaman o kung naobserbahan nila ang bata, na kakilala ng taga-ulat, o kung makatwiran silang nagsususpetsa na biktima ang bata ng pang-aabuso o pagpapabaya. Kailangang gawin agad ang ulat, o sa panahong posibleng magawa ito, sa pamamagitan ng telepono, at kailangang maghanda at mag-fax o elektronikong magpadala ang nagre-report ng nakasulat na ulat ng insidente sa loob ng 36 oras na nakatanggap siya ng impormasyon tungkol sa insidente. Hotline ng CPS: (415) 558-2650 o 1-800-856-5553.
Kasama sa pang-aabuso at pagpapabaya sa bata ang (1) pisikal na pinsala na ginagawa sa bata nang hindi dahil sa aksidente; (2) seksuwal na pang-aabuso o pagsalakay; (3) pagpapabaya (pabayang pagtrato o pagmamaltrato sa bata ng isang taong responsable para sa kanilang kapakanan at nagpapakita ng pinsala o banta ng pinsala sa kalusugan o kapakanan ng bata); (4) sadyang pinsala o pananakit sa bata o paglalagay sa panganib sa bata o kanyang kalusugan; at (5) labag sa batas na korporal na pagpaparusa o pananakit.
Hindi kasama sa pang-aabuso o pagpapabaya ng bata ang pakikipag-away ng mga menor de edad sa isa’t isa; ang pinsalang dulot ng makatuwiran at kinakailangang puwersa ng tagapamayapang opisyal na kumikilos nang naaayos sa paggampan at saklaw ng kanyang pag-eempleyo bilang tagapamayapang opisyal; o makatwiran at kinakailangang puwersa na ginamit ng empleyado ng paaralan para pigilan ang kaguluhang nagbabanta ng pisikal na pinsala sa ibang tao o sa mga pag-aari, para sa kadahilanan ng pagdedepensa sa sarili, o para maagaw ang mga sandata o iba pang mapanganib na bagay na hawak ng estudyante.
Mga Imbestigasyon ukol sa Pang-aabuso ng Bata
Mayroong awtoridad ang Pulis at/o mga manggagawa ng Mga Serbisyo para sa Pagbibigay-Proteksiyon sa mga Bata na mag-interbyu sa mga estudyante sa paaralan tungkol sa mga bintang ng pang-aabuso sa bata kung mayroon silang (1) kautusan ng hukuman (court order) o warrant, (2) pahintulot ng magulang o (3) sitwasyon ng mahigpit na pangangailangan.
This page was last updated on October 28, 2022