3.8.5 Eksamen sa Kahusayan sa Wikang Ingles para sa California (English Language Proficiency Assessment for California, ELPAC)

Eksamen sa Kahusayan sa Wikang Ingles para sa California (English Language Proficiency Assessment for California, ELPAC)

Itinatakda ng batas pederal at pang-estado na pangasiwaan ng lahat ng pampaaralang distrito ang eksameng pang-estado para sa kahusayan sa wikang Ingles sa mga estudyanteng hindi Ingles ang pangunahing wika. Napalitan na ng ELPAC ang Eksamen ng California para Sa Pag-unlad sa Wikang Ingles (California English Language Development Test, CELDT) at naka-ayon ito sa 2012 na Mga Pamantayan ng California sa Pag-unlad sa Wikang Ingles (California English Language Development Standards). Binubuo ito ng dalawang magkahiwalay na eksamen: Ang Pinakaunang Pagtatasa o Eksamen (Initial Assessment, IA) at ang Pagtatasa o Eksamen na Naglalagom ng Natutunan (Summative Assessment, SA).  Ibinibigay lamang ang ELPAC IA nang minsan at ginagamit para tukuyin kung ang mga estudyante ay Mag-aaral ng Ingles (English learner, EL) o kung may kahusayan na sa Ingles. 

Ibinibigay lamang ang ELPAC SA sa mga estudyante na natukoy na noon bilang EL batay sa mga resulta ng IA. Layunin nito na sukatin ang pag-unlad ng mga estudyante sa pagpapahusay sa wikang Ingles sa bawat isa sa apat na larangan: Pakikinig, Pagsasalita, Pagbabasa at Pagsusulat. Ginagamit ang mga lalabas na antas na kahusayan bilang isa sa apat na pamantayan para magdesisyon kung handa na ang estudyante na mabigyan ng bagong klasipikasyon bilang may mahusay na kakayahan sa Ingles (fluent English proficient, RFEP).

Ang Pinaka-unang Eksamen sa Kahusayan sa Wikang Ingles para sa California (Initial English Language Proficiency Assessments for California, Initial ELPAC) ang itinatakdang eksamen ng estado para sa Kakayahan sa Wikang Ingles (English Language Proficiency, ELP). Ibibigay ito sa paaralan sa bago pa lamang naka-enroll na mga estudyante sa pampaaralang distrito sa California, na may kinompleto na ng magulang na Sarbey Tungkol sa Wikang Pantahanan (Home Language Survey), kung saan nakasaad na ang pangunahing wika ay iba pang wika bukod sa Ingles.  

Ibibigay ang taunang Eksamen na Naglalagom ng Natutunan (SA) tuwing spring o tagsibol, mula Pebrero hanggang Mayo. Kailangang bigyan ng ELPAC ang mga estudyanteng natukoy bilang mag-aaral ng Ingles nang minsan sa isang taon hanggang sa mabigyan sila ng bagong klasipikasyon bilang may mahusay na kakayahan sa Ingles (RFEP) batay sa mga gabay ng distrito sa layuning ito.   

Matatagpuan ang karagdagang impormasyon ukol sa eksamen para sa ELPAC sa sumusunod na website: http://www.elpac.org/ o sa pamamagitan ng pagkontak sa tagapag-ugnay para sa pag-eeksamen (testing coordinator) o sa principal ng paaralan ng inyong anak. May makukuhang impormasyon tungkol sa pagbibigay ng bagong klasipikasyon sa website ng SFUSD: https://www.sfusd.edu/learning/english-language-learners/elpac
 

This page was last updated on November 14, 2022