Pinahihintulutang Pagliban ng Mag-aaral para sa Kumpidensiyal na Serbisyong Medikal
Maaaring pahintulutan ng mga awtoridad ng paaralan ang sinumang estudyante na nasa mga grado 7 hanggang 12 na lumiban sa klase para sa pagkuha ng kumpidensiyal na mga serbisyong medikal nang walang pahintulot ng magulang/ tagapatnubay/tagapag-alaga ng estudyante. Posibleng kasama sa mga serbisyong ito ang pagpapagamot kaugnay ng bawal na gamot/alak, reproduktibong kalusugan, mga sakit na nakukuha sa pagtatalik, at kalusugan ng isip. (Kodigo sa Edukasyon ng CA 46010.1)
Pag-eeksamen sa Bisyon at Pandinig
Maaaring suriin ang paningin at pandinig ng esudyante ng nars ng paaralan o iba pang indibidwal na awtorisado at lisensiyadong magsagawa ng pag-eeksamen ng paningin at pandinig. Makatatanggap ang lahat ng estudyanteng nasa una, ika-apat, at ika-pitong grado ng pag-eeksamen ng paningin at pandinig. Bukod rito, magkakaloob ang SFUSD ng pag-eeksamen sa paningin at pandinig sa lahat ng estudyanteng mula sa iba pang grado na nairekomenda dahil sa inaalala sa paningin at pandinig. Pahihintulutan ang estudyanteng huwag sumailalim sa pag-eeksamen sa paningin at pandinig kung nakasulat na isasaad ng magulang/tagapatnubay/tagapangalaga sa principal ng paaralan na ayaw nilang maeksamen ang kanilang anak. (CA Kodigo sa Edukasyon 49455 at 49452)
Itinatakdang Pangangailangan ng California Ukol sa Kalusugan ng Ngipin (Oral Health)/May Dokumentasyong Pagsusuri sa Ngipin.
Itinatakda ng CA Kodigo sa Edukasyon (Education Code) 49452.8 na magkaroon ng dokumentasyon ang mga estudyante ukol sa pagtatasa ng kalusugan ng ngipin o oral health assessment (pagpapatingin sa ngipin) na nakompleto na pagsapit ng Mayo 31 ng kanilang taon sa kindergarten, o kung naka-enroll sa paaralan sa unang pagkakataon, sa unang grado. Natutugunan ang pangangailangan na ito ng mga pagtatasa na naisagawa sa loob ng 12 buwan bago pumasok ang estudyante sa paaralan. Espesipikong isinasaad ng batas na kailangang isagawa ang pagtatasang ito ng lisensiyadong dentista o iba pang lisensiyado o rehistradong propesyonal sa kalusugan ng ngipin. Mahigpit naming hinihikayat ang mga magulang/ tagapatnubay/tagapangalaga na puntahan ang dentista ng inyong anak, na makakokompleto sa nakalakip na Form para sa Pagsusuri sa Kalusugan ng Ngipin (Oral Health Assessment Form) at magkaloob ng paggamot. Itinatakda ng batas ng California sa mga paaralan na panatilihin ang pagiging pribado ng impormasyon sa kalusugan ng mga estudyante. Hindi iuugnay ang identidad ng estudyante sa anumang ulat na magagawa bilang resulta ng itinatakdang pangangailangan na ito. Makahahanap ng iba pang impormasyon sa tsapter na ito, at mahahanap naman ang Form para sa Pagsusuri sa Kalusugan ng Ngipin (Oral Health Assessment Form) sa tsapter 3.9.13 at 3.9.15 ng Libritong-Gabay o Handbook na ito.
Makatutulong ang mga sumusunod na mapagkukunan ng impormasyon sa paghahanap ng dentista para sa inyong anak.
- Makatutulong ang numerong libre ang tawag o ang website ng Medi-Cal/Denti-Cal upang makahanap kayo ng dentista na tumatanggap ng Denti-Cal: 1-800-322-6384; http://www.denti-cal.ca.gov. Maghanap ng lokal na tagabigay ng serbisyo o providers sa Direktoryo ng Medi-Cal ng mga Tagabigay ng Serbisyo sa Ngipin (Medi-Cal Dental Providers Directory) https://dental.dhcs.ca.gov/find-a-dentist/home
- Makatutulong ang numerong libre ang tawag o ang website ng Healthy Families' upang makahanap kayo ng dentista na tumatanggap ng seguro ng Healthy Families o malaman kung puwede ninyong mai-enroll ang inyong anak sa programa: Tumawag sa 1-800-880-5305 o bisitahin ang website ng California Healthy Families sa https://www.benefits.gov/benefit/1596
- Para sa karagdagang mapagkukunan ng dental na impormasyon, kontakin ang departamento ng pampublikong kalusugan (department of public health) ng S.F. sa 1-800-300-9950 o sa. https://www.sfdph.org/dph/comupg/oservices/medSvs/dentalSvcs/dentalSvcs.asp
Heto ang ilang payo para manatiling malusog ang inyong anak, nasa paaralan, at handang mag-aral:
- Dalhin ang inyong anak sa dentista nang dalawang beses sa isang taon.
- Magsepilyo ng ngipin nang hindi bababa sa dalawang beses isang araw nang may toothpaste na may fluoride.
- Limitahan ang kendi at matatamis na inumin, kagaya ng punch at soda
- Magpatingin para sa lahat ng ngiping may impeksiyon. Ang mga hindi naaayos na butas sa ngipin ay posibleng humantong sa mga emergency at ang mga butas sa ngiping hindi pa pernanente ay posibling magresulta sa pagkakaroon ng pinsala sa permanenteng ngipin.
Naiiwasan ang mga butas sa ngipin, kaya kumilos na ngayon! Kung mayroon kayong mga tanong tungkol sa bagong pangangailangan para sa pagsusuri sa ngipin, o kung kailan ninyo ng mga bagong form, pakikontak ang Nurse of the Day sa Dibisyon para sa Pagbibigay-Suporta sa Mag-aaral, Pamilya at Komunidad (Student, Family & Community Support Division) sa 415-340-1716.
Pagiging Kumpidensiyal ng Impormasyon
Anumang impormasyon na may personal na kalikasan na isiniwalat ng isang estudyante na 12 taong gulang o mas matanda pa, o ng magulang o tagapatnubay ng gayong estudyante, sa proseso ng pagtanggap ng pagpapayo mula sa tagapayo ng paaralan, ay kumpidensiyal. Hindi magiging bahagi ang gayong impormasyon ng rekord sa paaralan ng estudyante nang walang nakasulat na pahintulot ng taong nagsiwalat ng impormasyon. Ang impormasyon ay hindi ipakikita, ilalabas, tatalakayin o gagawing sanggunian, maliban na lamang sa mga limitadong sirkumstansiya na itinatakda ng batas. Puwedeng talakayin ng estudyante ang mga sirkumstansiyang ito sa tagapayo bago humingi ng payo. (Kodigo sa Edukasyon ng CA 49602)
Mga Programa para sa Kagalingan ng Katawan at isip o Wellness Programs (Mga Middle school at High school)
Nagtataguyod ang SFUSD ng mga Programang Wellness sa ilang middle school at sa lahat ng high school. Ang mga Programang Wellness ang mga lugar para sa pagkuha ng mga serbisyo para sa pisikal na kalusugan, kalusugan ng pag-uugali, at kalusugan ng isip. Kasama sa mga naka-base sa paaralan na mga pangkat sa Wellness ang Mga Nars ng Pampaaralang Distrito (School District Nurses), mga tagapayo para sa Kalusugan ng Pag-uugali (Behavioral Health), Social Worker ng Paaralan, Mga Kawani Para sa Pag-abot sa Nakararami sa Komunidad ukol sa Kalusugan (Community and Health Outreach Workers) at mga nagkakaloob ng serbisyo o provider na naka-base sa komunidad.
This page was last updated on December 7, 2022