4.1.4 Mga Pinahihintulutan at Hindi Pinahihintulutang Pagliban

Mga Pinahihintulutan at Hindi Pinahihintulutang Pagliban

(Polisiya ng Lupon ng SFUSD Board Policy 5113)

Mga Pinahihintulutang Pagliban na Makatwiran (Valid) (Mga Pagliban na pinahihintulutan ng mga batas ng Estado)

Tinatanggap lamang ang beripikasyon ng pagliban ng mga estudyante kung mula sa mga magulang/tagapatnubay/ tagapag-alaga, o kung ang estudyante ay 18 taong gulang na o mas matanda pa.  

Isinasaad ng Kodigo sa Edukasyon ng Ca 48205 na pahihintulutang lumiban ang estudyante kung ang pagliban ay:

  1. Dahil sa kanyang pagkakasakit.
  2. Dahil sa pagkakakuwarentenas (quarantine) sa ilalim ng direksiyon ng opisyal na pangkalusugan ng county o lungsod.
  3. Para sa layunin na pagkuha ng mga serbisyong medikal, dental, optometriko, o chiropractic.
  4. Para sa pakay na makadalo ng libing ng miyembro ng kanyang malapit na pamilya, basta’t hindi hihigit sa isang araw ang pagliban kung isasagawa ang libing sa California at hindi hihigit sa tatlong araw kung isasagawa ang libing sa labas ng California.
  5. Para sa pakay na pagganap ng tungkulin bilang  panghukuman na lupong tagahatol (jury duty) sa paraang itinatakda ng batas. 
  6. Dahil sa pagkakasakit o pakikitagpong medikal sa oras ng klase ng anak, kung saan ang estudyante ang gumaganap na tagapangalagang magulang (custodial parent).
  7. Para sa may katwirang  personal na dahilan, kasama na ang pagharap sa hukuman, pagdalo sa libing, pagdiriwang ng pista o seremonya ng kanyang relihiyon, pagdalo sa mga panrelihiyong retreat o pahinga, pagdalo sa kumperensiya sa pagkaka-empleyo, pagdalo sa pang-edukasyong kumperensiya tungkol sa lehislatibo o panghukumang proseso na iniaalok ng  organisasyong non-profit, o pagbisita sa kolehiyo o unibersidad, kung ang pagliban ng estudyante ay nahiling sa pamamagitan ng sulat ng magulang o tagapatnubay at naaaprubahan nang maaga ng principal  o ng itinalagang kinatawan alinsunod sa magkakaparehong pamantayan na itinakda ng tagapamahalang lupon.  
  8. Para sa layunin na pagsisilbi bilang miyembro ng lupon ng presinto para sa eleksiyon alinsunod sa Seksiyon 12302 ng Kodigo sa Eleksiyon (Elections Code).
  9. Para sa pakay na makagugol ng panahon kapiling ang miyembro ng pamilya na aktibong miyembro ng sandatahang lakas (uniformed services) ayon sa pagbibigay-depinisyon ng Kodigo sa Edukasyon 49701, at naipatawag na para sa pagpapadala sa larangan ng pakikipaglaban o sa posisyong nagbibigay-suporta sa labanan o naka-leave o kababalik pa lamang sa gayong pagpapadala. 
  10. Para dumalo sa kanyang seremonya sa naturalisasyon upang maging mamamayan ng Estados Unidos.
  11. Para makasali sa gawaing relihiyoso o tumanggap ng instruksiyong moral o relihiyoso, batay sa mga sumusunod na kondisyon: mayroong nakasulat na pahintulot ang estudyante ng magulang/tagapatnubay para sa pagliban; asa mga grado 4-12 ; kailangang pumasok ng kahit man lamang minimum na araw ng pagpasok; at bibigyan ng pahintulot na huwag pumasok sa klase para sa layunin na ito nang hindi lalampas sa apat na araw kada buwan, at nang hindi hihigit sa 60 minuto sa isang araw minsan sa isang linggo, sa huling oras ng araw ng pagpasok.

(Kodigo sa Edukasyon ng CA 46014 at  Administratibong Regulasyon ng SFUSD  5113)

Sa ating pagsusumikap na magtaguyod ng katanggap-tanggap na pagpasok sa klase, posibleng makatanggap ng tawag sa telepono ang mga magulang matapos ang anumang pagliban, at makakaasa na tatanggap siya ng mga tawag o nakasulat na notipikasyon  kapag lumampas ang mga “pinahihintulutang” pagliban sa 10% ng mga araw ng pagpasok. Kapag lumampas na ang mga pinahihintulutang pagliban o pagkahuli sa klase sa 10% ng mga araw ng pagpasok, posibleng humiling ang administrador ng medikal na pagpapatunay ng pangangailangan para sa pagliban.

Kapalit na Trabaho (Make-Up Work)

Ang estudyante na liliban sa klase sa ilalim ng seksiyon na ito ay pahihintulutan na kompletuhin ang mga hindi nagawa o nakuhang takdang-gawain at eksamen habang nakaliban, na makatuwirang mapagkakaloob, at kapag katanggap-tanggap nang nakompleto ang mga ito sa loob ng makatuwirang panahon, ay mabibigyan ng buong credit. Ang guro ng anumang klase kung saan lumiban ang estudyante ang magtatakda ng mga eksamen at takdang-gawain na makatuwirang katumbas ng mga eksamen at takdang-gawain na hindi nagawa o nakuha ng estudyante habang nakaliban, bagamat hindi kailangang kaparehong-kapareho ng mga ito. 

Walang estudyante na mabababaan ang grado o mawawalan ng akademikong credit nang dahil sa anumang pinahihintyulutang pagliban kapag katanggap-tanggap na nakompleto ang hindi nagawang assignment o takdang gawain at eksamen sa loob ng makatwirang takdang panahon. (Polisiya ng Lupon ng SFUSD 6154; Kodigo sa Edukasyon ng CA 48205)

Mga Panrelihiyong Pahinga (Religious Retreats)

Para sa seksiyon na ito, hindi dapat lumampas sa apat na oras bawat semestre ang pagdalo sa mga panrelihiyong pahinga. (Administratibong Regulasyon ng SFUSD 5113)

Mga Hindi Pinahihintulutang Pagliban 

Depinisyon ng Hindi Pinahihintulutang Pagliban: Hindi pagdalo nang isang buong araw ng klase o pagiging huli o pagliban nang 30 minuto o higit pa nang walang makatwirang dahilan. Dapat tandaan na hindi katanggap-tanggap ang pagiging huli matapos ang pagtunog ng bell, at posibleng humantong sa pagkawala ng ilang pribilehiyo sa paaralan o ng pagiging kuwalipikado sa ilang pampahikayat na pagkilala (incentive recognitions) para sa pagpasok sa klase. 

Kasama sa Hindi Pinahihintulutang mga Pagliban ang: 

  1. Pagliban sa klase o paaralan nang walang pinahihintulutan o aprubadong dahilan, kahit na ang magulang/ tagapatnubay/ tagapangalaga ang pasimuno ng pagliban (halimbawa, para sa pag-aalaga ng bata o pamimili para sa bahay).
  2. Mga pagliban kung saan kailangan ang paunang pag-apruba ngunit hindi ito nakuha bago ang pagliban.

Kapag nagkaroon ng 3 hindi pinahihintulutang pagliban ang estudyante, magpapadala ang SFUSD sa magulang/ tagapatnubay ng liham na nagbibigay-alam sa kanila na may klasipikasyon na ang estudyante na bulakbol (truant).

Posibleng humiling ang paaralan ng pulong sa estudyante at sa magulang para mapagkasunduan ang mga hakbang para sa isasagawang aksiyon. 

Mga Depinisyon ng Pagiging Bulakbol (Truancy)

Legal na Bulakbol (Legal Truant): Ang estudyante na may tatlong buong-araw na hindi pinapahintulutang pagliban sa isang akademikong taon, o tatlong hindi pinahihintulutang pagkahuli o pagliban nang 30 minuto o higit pa sa isang akademikong taon, o kombinasyon ng mga ito. Kapag ipinagsama sa iba pang hindi pinahihintulutang pagliban, posibleng bumuo ang magkakasunod na nakakagawian nang pagkahuli sa klase (mahigit sa 10 araw) ng pangangailangan para sumangguni sa Lupong Tagarepaso ng Pagpasok sa Klase (School Attendance Review Board, SARB).

Habitwal na Bulakbol (Habitual Truant): Ang estudyante na naiulat nang bulakbol sa tatlo o higit pang okasyon sa iisang akademikong taon; basta’t masigasig na nagsumikap ang Distrito para magkaroon ng kahit isa lamang kumperensiya na kasama ang magulang/tagapatnubay at estudyante, matapos maihain ang mga ulat na nakalarawan sa ibaba. 

Patuloy na Bulakbol (Chronic Truant): Ang estudyante na lumiban sa klase nang walang makatuwirang dahilan nang 10% o higit pa sa mga araw ng pagpasok sa isang akademikong taon, mula sa araw ng pagpapa-enroll  hanggang sa kasalukuyang petsa.

This page was last updated on October 28, 2022