Paglahok sa mga Gawain para sa Pagtatapos
Posibleng hindi bigyan ang mga estudyante ng pribilehiyong dumalo sa promosyon mula sa ika-8 grado o sa seremonya ng pagtatapos o graduation mula sa high school nang dahil sa pag-asal na nagdudulot ng makatwirang pagkabahala na may panganib dahil sa indibidwal sa seremonya o maggagambala ang seremonya. Nangangailangan ng espesipiko at nailalahad na batayan para sa pagkabahalang ito, at hindi lamang dahil may kasaysayan ng nakaggagambalang pag-asal sa pangkalahatan, o nakaraang paglabag sa mga patakaran ng paaralan. Posible ring hindi isali ang mga estudyante mula sa seremonya ng pagtatapos/promosyon nang dahil sa naipong paulit-ulit na paglabag sa mga patakaran sa pag-asal sa panahon ng ika-8 grado o senior na taon at sa pagpapatuloy ng mga ito kahit na nagkaroon na ng dokumentadong interbensiyon. Kailangang makatanggap ng maagang abiso ang mga estudyante tungkol sa mga pagkakataong posibleng humantong sa hindi pagkakasali sa seremonya ng pagtatapos o promosyon. Puwedeng i-apela ng estudyante ang hindi pagkakasali sa seremonya sa Superintendente o itinalaga nito sa labas ng paaralan matapos makompleto ang internal na proseso ng pag-aapela sa paaralan, kung mayroon nito. (Polisiya ng Lupon ng SFUSD 5127)
Hindi makalalahok sa seremonya ng pagtatapos sa Mayo ang mga estudyante ng high school na hindi nakakuha ng kinakailangang mga credit o hindi nakakompleto ng mga kinakailangang kurso sa pagtatapos ng semestreng spring (tagsibol). Papasok ang mga estudyanteng ito sa summer school at tatanggap ng kanilang diploma sa pamamagitan ng seremonya ng pagtatapos ng summer school kapag nakuha na ang mga kinakailangang credit at/o nakompleto na ang mga kinakailangang kurso.
Ang mga estudyanteng may kapansanan na nabigyan na ng Sertipiko ng Pagkompleto (Certificate of Completion) sa ilalim ng mga pamantayan na nakalarawan sa Polisiya ng Lupon ng SFUSD 6146.1 ay kuwalipikadong lumahok sa anumang seremonya ng pagtatapos at anumang gawaing pampaaralan kaugnay ng pagtatapos, kung saan kuwalipikadong lumahok ang nagtatapos na estudyanteng kapareho ang edad at walang kapansanan.
This page was last updated on October 28, 2022